Wednesday, March 7, 2012

Flip Top Battles: Labanan ng Mga Makata o ng mga Feeling Makata?

Kamakailan lamang ay nasaksihan ko na naman ang mga laban ng mga "modernong makata" ng Pilipinas. Bilang isang masiyahing binatilyo ay sadyang naaaliw ako sa panonood ng mga ganitong uri ng laban. Bukod kasi sa alam kong walang tunay na nagkakasakitan pagdating sa pisikal na aspekto, maaari pa akong makakuha ng mga bagong biro at rap na maaari kong gamitin upang makapagpasikat sa mga kaibigan! O diba, natawa na ako, nakapagpatawa pa ako!

Unti-unti nang nagiging ganap ang kasikatan ng FlipTop Rap Battles dito sa Pilipinas. Ang FlipTop Rap Battles o mas madalas na tawaging FlipTop ay isang uri ng paligsahan na kung saan ay hinahasa ang kakayahan ng mga kalahok na mag-isip ng mabilis. Ang fliptop kasi ay isang timpalak na binubuo ng dalawang tao sa magkabilang panig. Ang layunin ng paligsahang ito ay ang pagbibigay ng mga mabibigat at magagandang linya laban sa iyong katunggali. Binibigyan ang isang kalahok ng 60 segundo upang sabihin ang lahat ng nais sabihin sa katunggali. 

Noong nagsimula ang mga ganitong laban ay nakakatuwang pakinggan ang mga linyang binibitawan ng mga kalahok. Paano kasi, masyadong malalalim, iyong tipong hindi mo na mahukay sa sobrang lalim. Kaya naman, noong naglabas ng panibanong season ang fliptop ay nag-iba na rin ang estilo ng mga kalahok. Kung noon ay pawang mabibigat na salita lamang na tungkol sa pamahalaan at kung ano-ano pang problema sa lipunan, ngayon ay naging mas masaya na ang mga tunggalian. Hindi na gaanong malalim ang mga salitang ginagamit ng mga kalahok, bagkus ay dinadaan na lamang sa pang-iinis o pang-aasar ang mga banat, pero syempre, sa anyong tula pa rin. Kaya ngayon, hindi na palaliman ng linya ang labanan sa fliptop kung hindi asaran. Ang unang maasar at mawala sa konsentrasyon, ay siguradong matatalo. Kaya dito, kapag nanalo ka, ibig sabihin, magaling ka mang-asar! At kapag natalo ka, maaring mahina ka talaga, o sadyang napikon ka lang. At syempre, kapag talo, sari-saring mga kutya at panlalait ang matatanggap mo. 

Narito ang halimbawa ng mga sikat na sikat na FlipTop Battles:


 Loonie vs. Zaito - Part 1

 *mula sa http://www.youtube.com/watch?v=2Bp7TcNO-CY



  Loonie vs. Zaito - Part 2

*mula sa http://www.youtube.com/watch?v=VTmNEB6AogU


 
Nakakatuwa silang pakinggan, hindi ba? Mapapansing hindi naman gaanong kalalim ang binibitiwan nilang mga salita, ngunit pansin na pansin kung gaano kalakas ang pang-aasar o pang-iinis ng mga kalahok sa isa't isa. Kung mapapansin ninyo, si Zaito (ang lalaki sa kaliwa) ay hindi na nakapagbitiw ng mga magagandang linya sa huli. Halos inuulit na lamang niya ang mga sinabi niya noong una. Hindi naman natin siya masisisi, sadyang napakagaling naman kasi talagang manlait nitong si Loonie (ang lalaki sa kanan). Lahat na yata ng nakita niya kay Zaito, puro kapintasan. Pero syempre, ang paligsahan ay isang paligsahan. Lahat ng mga ito ay katuwaan lamang. Kaya kagaya nga ng sinabi ko kanina: ang pikon, talo. 

Narito naman ang isa sa mga laban na sadyang nakakapukaw ng pansin. Pakinggang mabuti ang mga linyang binibitiwan ng magkabilang panig:


Fuego vs. Batas - Part 1
*mula sa http://www.youtube.com/watch?v=Tycr21-NO5s

 Fuego vs. Batas - Part 2
*mula sa http://www.youtube.com/watch?v=c4W2A3GdtzM

Mapapansin sa laban na ito nina Fuego (lalaki sa kaliwa) at Batas (lalaki sa kanan) ang isang salitang paulit-ulit na lumabas sa mga bibig nila: PUTANG INA. Oo, sadyang matindi ang dating ng salitang ito, kaya naman bagay na bagay ang salitang ito sa mga ganitong uri ng laban. Ngunit hindi ba't mga "modernong makata" ang tawag nila sa mga sarili nila? E halos mga putang ina na nga lamang ang naririnig ko. Tama pa ba ito? Tama pa bang tawaging mga makatang ang mga taong ganito? Oo, marahil nga'y magaling sila umisip ng mga lirikong sadyang nakakatawa at puno ng mura, pero hindi ibig sabihin noon ay makata na sila.



 Paul Virrey
114273
I - BS Computer Science

1 comment:

  1. Mas mainam sana kung sinubok mong sagutin ang mismong mga tanong na inilatag mo sa iyong entri.

    ReplyDelete