Bilang isang binatilyo ay mahilig din akong makinig sa mga napapanahong uri ng musika. Ang mga musikang aking tinutukoy ay Rock, Alternative, RnB, at iba pa. Ngunit sa lahat ng mga kategorya ng musika ay mayroong isang natatanging kategorya na talaga namang kinahihiligan ko, at nakasisiguro akong kinahihiligan din ng marami. Ito ay ang mga makabagbag-damdaming musika o sentimental music. Bakit nga ba sobrang patok ito sa masa at ito'y lubos na kinahihiligan lalo na ng mga kabataang nasa aking edad? Bakit nga ba masyado itong nakakadala?
Hindi ko binabalak na isa-isahin o banggitin kung paano nagsimula at naging tanyag ang mga makabagbag-damdaming musika sa Pilipinas, bagkus ay akin lamang sasabihin ang aking sariling saloobin sa kung bakit masyadong tanyag o kinikilala ang mga ganitong uri ng musika lalo na sa mga kabataang kagaya ko.
Ang mga makabagbag-damdaming musika, o mas kilala sa Pilipinas na senti na mga musika, ay hindi lamang naging sikat ngayong panahon na ito ngunit ito'y dumadaloy na rin sa industriya ng musika simula pa noon. Sa panahong ito, tinatawag natin na senti o emo ang mga musikang ito, marahil ay dahil masyadong mahaba at mahirap din kasi bigkasin ang "makabagbag-damdamin." Ang salitang senti ay nanggaling sa salitang Ingles na sentimental at ang emo naman ay galing sa salitang emotional. Ang dalawang salitang ito ay magkaiba ang kahulugan, ngunit may mga bagay na nag-uugnay sa kanila. Ang dalawang salitang ito ay parehas na naglalaman ng katangian ng pagiging bukas ang kalooban o pagiging masyadong maramdamin. Ito ay ang mga katangian ng mga taong sobra kung magdamdam, o damdamin ang isang bagay o pangyayari. Nararapat lang na ito ang itawag sa mga makabagbag-damdaming musika sapagka't ang mga makabagbag-damdaming musika ay karaniwang tungkol sa pagiging martir ng isang tao dahil sa pag-ibig, pagiging masokista, at iba pang katangiang may kinalaman sa pagkasawi ng damdamin dahil sa pag-ibig.
Narito ang isang kantang nabibilang sa mga makabagbag-damdaming musika na nakasulat at inawit sa Ingles:
Maybe by Secondhand Serenade
*mula sa http://www.youtube.com/watch?v=HP5vTXUutMY
Narito naman ang isang kanta na may music video na sadyang nakasulat at inawit sa Filipino:
Nang Dahil Sa Pag-ibig na inawit ni Bugoy Drilon
*mula sa http://www.youtube.com/watch?v=p-UXkM8iMNQ
Napansin ninyo na ba kaagad ang pagkakatulad? Ganyan ang mga senti o emo na tugtugin: malungkot, puno ng kasawian. Mapapansin na bagama't magkaiba ang kanta ay parehas nitong tinutukoy ang pakiramdam ng isang taong nasawi at nasasawi sa pag-ibig.
Ngunit bakit ganito? Hindi ba't puno ng kalungkutan ang mga kantang ganito? Isa lang ang sagot 'dyan: kasi nakaka-relate sila.
Maraming tao ang nadadala sa mga ganitong uri ng kanta sapagkat alam naman natin na sa panahon ngayon ( sa totoo lang hindi lang sa panahong ito) ay napakaraming tao ang nasasawi dahil sa pag-ibig. Maraming hindi sinasagot ng nililigawan, hindi mahal ng taong minamahal, namatayan ng minamahal, at kung ano-ano pang tungkol sa pagmamahal. Maraming mga tao, hindi lamang sa Pilipinas kung hindi sa ibang bansa na rin, ang tumatangkilik ng mga ganitong musika sapagkat sa mga kantang ito muli nilang naaalala ang sakit na kanilang naramdaman noong naranasan nila ang pagkasawi. Kagaya nga ng sabi ko kanina, ang mga kantang ito ay nagpapaalala sa mga tao sa kanilang pagiging masokista sapagkat ang pakikinig sa mga musikang ito mismo ay isang anyo na rin ng pagiging masokista.
Halimbawa na lamang sa kantang aking inilagay sa itaas na "Nang Dahil sa Pag-ibig" na inawit ni Bugoy Drilon, makikita natin kung gaano katindi ang pagiging masokista ng isang tao na maaaring umabot sa punto na kahit alam na nitong may ibang mahal ang kanyang minamahal ay pipiliin at pipilin pa rin niya ito dahil sa pag-ibig. Ang mga ganitong pangyayari ay pangkaraniwan sa buhay ng tao. Hindi natin alam kung sino-sino, pero alam nating marami talagang mga taong nagkakaroon ng karanasang ganito. Ito ang dahilan kung bakit napakapatok ng mga makabagbag-damdaming musika sa buong mundo, lalong lalo na sa mga kabataan. Alam nating lahat na ang mga kabataang dumadaan na sa pagbibinata at pagdadalaga ay nakakaramdam na ng mga damdaming kagaya ng pagmamahal at pagkasawi. Ang mga kabataang nasa edad 14 pataas ang kadalasang nagkakaroon ng mga ganitong karanasan, na kung saan magkakaroon sila ng maagang relasyon at matapos ang ilang linggo, buwan, o taon ay maghihiwalay rin. Dahil dito ay mararanasan nila ang pagkasawi sa pag-ibig sa unang pagkakataon, at ang unang pagkakataon, iyon ang palaging pinakamasakit. Dahil dito, maraming mga kabataan ang nawawalan ng pag-asa kaya gumagawa sila ng mga paraan upang mas lalo pa silang maging malungkot, at ang isang paraan ay ang pakikinig sa mga senti o emo na musika.
Ayan, nabanggit ko na rin kung bakit ako, este, ang mga kabataan ngayon ay kinagigiliwan ang mga makabagbag-damdaming musika! Wala namang masama kung magustuhan mo ang ganitong uri ng mga musika dahil lang gusto mo, at wala ng iba pang dahilan. Ngunit, hindi mo maitatanggi ang katotohanan na sa tuwing makaririnig ka ng mga ganitong musika ay may memorya o pangyayari sa buhay mo na bigla mong naaalala dahil sa kalungkutan, sentimyento at pagiging-emosyonal ng awitin.
Paul Vincent Virrey
114273
I - BS Computer Science
May mga mali pa rin tulad ng dapat ay "diyan," subalit dahil sa nilalaman, binibigyan kita ng +1 na LG para rito.
ReplyDelete