Sunday, March 4, 2012

Isa Pang Pagkakataon (One More Chance)

Noong isang araw ay napanood ko na namang muli ang isa sa mga pinakamagandang pelikulang Pilipino na aking napanood, ang One More Chance. Sa sobrang daming beses ko nang nasaksihan ang pelikulang ito ay tila kabisado ko na ang bawat matamis at masakit na salitang binitiwan ng mga tauhan sa pelikula. Ang pelikula ay tungkol sa dalawang tao, si Popoy at si Basha, at kung paano nila harapin ang kanilang mga problema bilang magkasintahan.

Kung gusto ninyo pa ng mga karagdagang kaalaman tungkol sa pelikula, narito ang isang link na makatutulong sa pagiintindi nito: 



Kagaya ng aking nabanggit kanina, maraming beses ko nang napanood ang pelikulang ito. Ngunit sa kabila noon, sa tuwing pinapanuod ko ang pelikula'y ang mga reaksyon ko'y pare-parehas: natutuwa sa ilang eksena, ngunit kadalasa'y nalulungkot na para bang isang babaeng pinapanood ang sarili niyang buhay sa naturang pelikula. Hindi ko malaman kung bakit palaging ganoon ang epekto sa akin ng pelikula, kaya't sinubukan kong intindihin ng mabuti ang pelikula at ang relasyon nito sa tunay na buhay, at sa tunay na pagmamahal.

Para sa isang taong nagmamahal, ano nga ba ang ibig sabihin ng pagmamahal? Ito ba'y nasa anyo ng materyal na bagay? Sa estado ng buhay? O pawang tadhana?

Sabi nila, ang pagmamahal daw ay umiikot sa isang unibersal na konsepto: ang pagbibigay ng oras at sariling pagsisikap sa iyong kapareha. Totoo ito sa aking pananaw, ngunit para sa akin ay hindi lamang literal na "pagbibigay ng oras" ang dapat na ginagawa ng magkatambal. Hindi naman tama na palagi mong ibibigay ang iyong oras para lamang makasama ang iyong minamahal. Kung minsan, mas mainam ang pagkakaroon ng agwat o distansya sa isa't isa upang lalo pang mapaigting ang pagmamahalan at upang lalo pa ninyong makilala ang isa't isa. May mga taong nais na palaging na sa iyong tabi sa kadahilanang hindi nila kaya kahit saglit lamang na magkahiwalay kayo, at kapag dumating ang panahon na kailangan ninyong maghiwalay sa anumang dahilan, dito na bumibigay at unti-unting nawawala ang inyong "pagmamahalan." Kung sakaling nangyari o nangyayari ito sa inyo, mabuting pag-isipan kung tunay nga bang pagmamahal ang inyong nararamdaman para sa isa't isa. May mga taong inaakala sa una ay kaya nilang mapalayo sa iyo, ngunit lumalabas na hindi pala. Iyon ay dahil sa pagdududa at pag-aalinlangan. Pagdududa na baka mayroong matagpuang mas maganda at mas bagay, at pag-aalinlangang sa tagal ba ng pagkakalayo ay makuha pa nitong mahalin ang kanyang kapareha. Kung talagang mahal mo ang isang tao, dapat ay kayanin mong malayo sa kanya ng pansamantala upang nang sa gayon ay parehas kayong lumago at makayang mabuhay ng hindi lamang umaasa sa isa't isa.

Sa usapin nina Popoy at Basha na kapwa may trabaho na, dahil nagkakilala at naging magkasintahan noong nasa unibersidad pa lamang ay palagi na silang magkasama. Magkasama sila sa isang kompanya, magkasama sila kapag kumakain, magkasama sila sa lahat ng bagay. Si Popoy na masyadong nakasentro ang utak sa pagtatayo ng kanilang kinabukasan ni Basha ay hindi napapansing unti-unti nang nagbabago ang kanyang ugali. Masyado na siyang nagiging controlling o  pala-utos kay Basha hanggang sa dumating sa punto na nasasaktan na si Basha. Narito ang eksena kung saan sinabi ni Basha lahat ng mga hinanakit niya kay Popoy at sa relasyon nila:


*mula sa http://www.youtube.com/watch?v=u0XAVnmMsxE

Dahil sa buhay nilang palaging magkarugtong, nakalimutan na nila ang dahilan ng kanilang pagmamahalan, dahil doon, minabuti ni Basha na tapusin na ang lahat sa kanila ni Popoy. Ginusto niya na magkaroon ng kaliwanagan tungkol sa kanyang pagmamahal kay Popoy. 

Kagaya ng ginawa ni Basha para sa relasyon nila ni Popoy, kailangan ng mga magkasintahan o magkarelasyon na maintindihan ang buhay ng mag-isa. Kailangan nilang hanapin muna ang sarili bago pumasok sa isang relasyon; sa isang relasyon na walang pag-aalinlangan, pagdududa, at takot. sabi nga ng kaibigan ni Basha na si Krizzy: "Kung kaya pang ayusin, pipilitin. But if this is really what both of you need, then just be strong. Magiging mahirap at masakit pero hopefully, all the pain would be worth it. "

------=============------

Masakit, hindi ba? Masakit malaman na dahil sa pag-aalala mo sa kinabukasan ay nasira mo ang kasalukuyan. Masakit isipin na ang dahilan ng lahat ng mga ginagawa mo ay kusa nang lumayo sa'yo.

Ngunit kahit na ganito ang sitwasyon, makukuha mo pa rin bang mahalin ang taong sinasabi mong "dahilan ng mga pangarap" mo? Gaano ka katagal magtitiis? O gaano ka kadali bibitaw? Paano ka magmu-move on? Iyan ang mga tanong na bumabagabag sa atin sa tuwing dumarating tayo sa puntong nasasaktan na tayo.

Lahat ng bagay ay hindi natatapos sa isang simpleng hindi pagkakaunawaan, lalo na sa pagmamahalan. May mga bagay na kailangan mo talagang isakripisyo para sa ikauunlad ninyong dalawa; kung minsan oras, minsan pangarap, minsan pa nga, ang relasyon mismo. Ngunit naniniwala ako sa pangalawang pagkakataon, pangatlo, pang-apat, panlima, kahit pang-ilan pa iyan. Hindi natatapos ang pagmamahal sa isang pagkakalayo at di-pagkakaunawaan dahil lahat tayo, nararapat lang bigyan ng isa pang pagkakataon. Sabi nga ni Mark sa pelikulang One More Chance :
"Sometimes, it's better for two people to break up, so they can grow up. It takes grown ups to make relationships work. "

5 comments:

  1. Ayusin ito sang-ayon sa "Gabay sa Ispeling" bago muling ipasa sa akin ang link. Tiyakin na naayos nang mabuti upang hindi masayang ang inilaang panahon para sa nilalaman.

    ReplyDelete
  2. Mukhang hindi naman naisaayos ito. Sa unang talata pa lang, marami nang mali sa baybay. Maging higit na maingat pa sa mga isinusulat.

    ReplyDelete
  3. Hindi ko na ipinapapasang muli ang link.

    ReplyDelete
  4. Ang galing talaga ng derektor nito

    ReplyDelete
  5. Ano po Ang mga mahahalagang pangyayari sa pelikula
    -kailanngan ko lng po para sa Filipino 🙏

    ReplyDelete